Pacquiao sinariwa ang pagkopo sa una niyang world boxing title
MANILA, Philippines – Noong 1999 ay isang 18-anyos na Filipino fighter ang nagpabagsak kay Chatchai Sasakul sa eight round para agawin sa Thai ang suot nitong World Boxing Council (WBC) flyweight crown.
Matapos ang 16 taon ay muling nagkita sina Manny Pacquiao at Sasakul sa paboritong Thai restaurant ni ‘Pacman’ sa Los Angeles, California.
“I was so motivated to win that fight. I trained hard and the outcome was so rewarding. I knocked him out in the eight round,” pagbabalik-tanaw ni Pacquiao sa panayam ni Aquiles Z. Zonio.
Ang naturang WBC flyweight title ang unang world boxing belt na napanalunan ni Pacquiao.
Sa kanilang muling pagkikita ay respeto na ang ibinigay ni Sasakul kay Pacquiao at hindi suntok.
“He earned my respect after that fight. He’s a great fighter yet so humble,” wika ni Sasakul sa Sarangani Congressman. “He’s a good role model not just for the Thai or Asian fighters but for boxers all over the world. He has gone a long way.”
Malayo na nga ang narating ni Pacquiao na nagkampeon pa sa pitong magkakaibang weight divisions matapos talunin si Sasakul.
Sa kanilang laban ni Sasakul ay tumanggap si Pacquiao ng guaranteed purse na $7,000 kumpara sa nakatakda niyang makuhang $80 milyon para sa pagsagupa kay Floyd Mayweather, Jr. sa Mayo 2 sa MGM Grand.
Tumutulong ngayon si Sasakul sa pagsasanay sa mga Thai boxers sa Petchyindee boxing promotion na pagmamay-ari ng kanyang dating promoter at manager na si Virat Wachirarattanawong.
Samantala, sinabi ni chief trainer Freddie Roach na babawasan niya ang sparring session ni Pacquiao habang papalapit ang kanilang banggaan ni Mayweather.
“We used to spar 150 rounds but I’m going to cut that back because he doesn’t need those long wars anymore,” wika ni Roach kay Pacquiao.
“He’s a veteran. I’m looking more at 95 rounds of sparring,” dagdag pa nito.
Noong Martes ay sinimulan ni Pacquiao ang kanyang sparring session.
“Stylewise is important but I get a couple of guys that talk a lot, they fight like Mayweather because they kind of idolise him as a fighter and most of these guys want to be like him, or want to be him,” ani Roach. (RC)
- Latest