2-sunod na panalo sa Cebuana, KeraMix
MANILA, Philippines - Maagang kumilos ang Cebuana Lhuillier tungo sa 118-78 pananalasa sa MP Hotel para kunin ang maagang liderato sa pagpapatuloy ng PBA D-League Foundation Cup sa Ynares Arena sa Pasig City kahapon.
Naging dominante ang Gems sa first half performance laban sa batang koponan ng Warriors para sa kanilang ikalawang sunod na panalo matapos ang makapigil-hiningang 86-85 panalo kontra sa Café France Bakers noong Lunes.
Tumapos si Moala Tautuaa, pumukol ng marginal basket sa kanilang naunang panalo ng 11 points, si Jackson Corpuz ang siyang kumayod ng husto para magtapos na may 26 points habang sina Norberto Torres at Almond Vosotros ay may tig-15 points.
Nagpakawala ang Cebuana ng 30 points sa opening quarter at nilimitahan nila ang MP Hotel sa 13 points lamang tungo sa panalo.
Pumukol naman ng pitong triples ang Kera Mix sa second half tungo sa 89-71 panalo kontra sa ATC Liver Marin-San Sebastian College para makisalo sa liderato sa Cebuana.
Nagtala ang Mixers ng 28-13 lead sa first quarter bago nagpaulan ng tres sa second half upang makalayo sa Liver Marin na naghabol sa third quarter, tungo sa kanilang ikalawang sunod na panalo.
Nagkaroon ng gulo sa laban nang magkagirian sina Raymond Jamito ng KeraMix at Choi Ignacio ng Liver Marin sa huling bahagi ng late third quarter kung saan napatalsik sa laaro ang Mixers player dahil sa ikalawang flagrant foul 1.
Nagtala si Jamil Ortuos-te ng 18 points habang nagdagdag si Jovit dela Cruz ng 14 para sa Liver Wonders na bumagsak sa 0-2, katabla ang MP Hotel.
Kumuha rin ng atensyon ang Cagayan Rising Suns sa 75-70 panalo laban sa AMA University Titans sa isa pang laro.
Gumawa ng 16 points sa fourth quarter si Abel Galliguez para hindi maubusan ng pagkukunan ng puntos ang Rising Suns nang maghabol ang Titans.
- Latest