MANILA, Philippines - Magsasagupa ang Santo Tomas at National University ngayon sa pagbubukas ng step-ladder semifinals ng UAAP Season 77 softball tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Ang mananalo ng do-or-die match sa alas-9:00 ng umaga ay haharap sa University of the Philippines na may twice-to-beat advantage sa ikalawang step-ladder sa Biyernes.
Nakopo ng Lady Maroons ang No. 2 seed sa semis matapos ang 7-4 panalo sa Tigresses sa playoff noong Linggo. ‘
Ang Adamson University na tangka ang five-peat ay wala pang talo sa 60-laro sapul noong 2011 at nakapasok sila ng finals matapos kumpletuhin ang 12-game elimination round sweep. Ang Lady Falcons na may thrice-to-beat advantage ay sa March 24 pa lalaro kung masasagad ang step-ladder semifinals.
Nakopo ng Lady Bulldogs, runners-up sa huling dalawang seasons, ang huling semifinals berth matapos sibakin ang De La Salle, 11-0 sa limang innings lamang noong Linggo.
Ang softball na lamang ang natitirang event na ‘di pa natatapos ngayong UAAP Season 77.