Stuart target ang Rio Olympics
MANILA, Philippines - Gagamitin ni Caleb Stuart ang South East Asian Games sa Singapore para maipasok ang sarili sa 2016 Rio Olympics.
Patok na patok si Stuart na manalo ng dalawang ginto sa kompetisyon sa Hunyo at mismong ang 24-anyos, 250-pound Fil-American ang gumarantiya nito nang bumisita kahapon sa PSA Forum sa Shakey’s Malate.
Kasama ni Stuart sa Forum sina PATAFA president Philip Ella Juico, ang mga US coaches na sina Dick Beardsley at Bill Schnier at athletics supporter Jim Lafferty.
“Realistic, I think I can win two gold medals,” wika ni Stuart na ang tinutukoy ay sa mga events ng hammer throw at shot put.
Ang personal best ng 6’2” na si Stuart sa hammer throw ay nasa 68.66 meters habang 17.88m ang pinakamalayong tapon niya sa shot put na parehong mas mataas sa SEA Games records na 62.23m at 17.74m, ayon sa pagkakasunod.
Para hindi magkumpiyansa ang Fil-Am na si Stuart, ang ina na si Rowena at tubong Pampanga ay nag-set ng ibang hamon sa kanyang sarili at ito ay ang puntiryahin ang puwesto sa Olympics sa paboritong hammer throw event.
Sa Abril 15 pa ipalalabas ng international federation (IAAF) ang mga standards na kailangang maabot para makasali sa Olympics pero ang ginamit para sa 2012 London Games ay 74m sa B category at 78 sa A standard.
Puwedeng gamitin ng isang atleta ang SEAG para makakuha ng upuan sa Olympics dahil ito ay may basbas ng IAAF.
“I hope I can keep on going up in the hammer throw so I can make it to the Olympics. The SEA Games is my biggest tournament so far and I’m gonna try the best I can,” dagdag ni Stuart.
Makikita ang galing ni Stuart dahil sasali siya sa Philippine National Open Invitational Athletics Championships sa San Luis Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna na magsisimula bukas. (AT)
- Latest