Purefoods nakakapit sa 2nd

MANILA, Philippines - Bumuhos ang lakas ng Purefoods Star Hotshots sa second half para panatilihin ang kapit sa ikalawang puwesto sa kinuhang 103-96 panalo laban sa Barako Bull Energy sa PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

May 34 puntos at 17 rebounds si Denzel Bowles at hindi siya napigil sa ikatlong yugto upang ibigay sa koponan ni coach Tim Cone ang ikapitong panalo matapos ang  10-laro.

Kumamada ng 21 puntos si Bowles sa ikatlong yugto upang ang 47-all iskor sa halftime ay lumobo sa 81-72 kalamangan.

May 7-of-10 shooting ang 2012 Commissioner’s Cup Best Import awardee sa yugto na kung saan umiskor ng 34 puntos ang Purefoods.

Nakatulong pa ang opensa mula sa bench nina Mick Pennisi  at Allien  Maliksi para ilayo pa ang Hotshots sa 94-76.

“This is a good win for us coming off a triple overtime out-of-town game,” wika ng winning coach na si Tim Cone patungkol sa 118-117 panalo laban sa Talk N’ Text Tropang Texters.

“Guys off the bench played well. That the kind of stuff really helps you win in the playoffs,” dagdag nito.

Si Maliksi ay mayroong 13 puntos, sina Justin Melton, Mark Barroca at Pennisi ay nagsanib sa 21 puntos habang si Alex Mallari ay mayroong walong assists mula sa bench.

May 29 puntos at 17 rebounds si So-lomon  Alabi, si Chico Lañete ay mayroong 21 habang sina JC Intal at Solomon Mercado ay nag-ambag ng 15 at 14, ayon sa pagkakasunod para sa Barako Bull na bumaba sa 4-6 karta. (AT)

Show comments