MANILA, Philippines – Pinalakas nina Filipino Grand Masters Eugene Torre at Oliver Barbosa ang kanilang tsansang makalaro sa 2015 World Cup.
Ito ay matapos magrehistro ng magkahiwalay na panalo sina Torre at Barbosa para makisosyo sa ikatlong puwesto sa eighth round ng Asian Zonals 3.3 Championship sa Ho Chi Minh, Vietnam kahapon.
Pinabagsak ng 65-anyos na si Torre si FIDE Master Le Tuan Minh sa marathon 95-move victory ng Bogo-Indian Defense.
Tinalo naman ni Barbosa ang kababayang si GM Richard Bitoon sa 77 moves ng Trompovsky Opening para makasama sa four-way tie sa No. 3 sa magkakapareho nilang 5.5 points.
Ang mahalaga dito ay nanatili sa kontensyon sina Torre at Barbosa para sa huling dalawang tiket sa World Cup na nakatakda sa Setyembre 10 hanggang Oktubre 4 sa Baku, Azerbaijan.
Para mangyari ito, dapat talunin nina Torre at Barbosa sa final round sina Vietnamese GM Le Quang Liem at Nguyen Ngoc Truong Son, ayon sa pagkakasunod.
Nangunguna si Le, tinalo si Filipino GM Darwin Laylo sa 33 moves ng King’s Indian Defense, mula sa kanyang 7.0 points para makamit ang tiket patungo sa Baku.
Nasa ikalawang posisyon si Nguyen sa kanyang 6.0 points.
Sinamantala ng top-seeded na si Le, isang Webster University standout, ang mahinang simula ni Laylo para maglunsad ng kingside attack at angkinin ang panalo.
Bunga ng kabiguan, tuluyan nang nasibak ang 35-anyos na si Laylo ng Marikina City.
Binigo ni International Master Rolando Nolte si Tran Ngoc Lan ng Vietnam para sa kanyang 4.5 points.