MANILA, Philippines - Nagpamalas ang Arellano University pep squad ng impresibong routine upang maungusan ang perennial champion na Perpetual Help para makopo ang kanilang unang cheerleading title sa 90th NCAA season na nagtapos sa MOA Arena sa Pasay City kahapon.
Ang Chief Squad ay umani ng 405.5 points para talunin ang Perps Squad ng isang puntos lamang na tumapos sa limang taong dominasyon ng Perpetual at pambawi sa dalawang sunod na runner-up finishes.
“Nakaka-pressure mag-perform pero sinabi ko sa mga bata na galingan nila at nagawa naman nila,” pahayag ni Arellano coach at choreographer Lucky San Juan.
‘Di tulad sa mga nakaraang season, mas mahirap ang mga stunts ng Perps ngayon ngunit marami silang naging pagkakamali.
Matapos ihayag ang desisyon, nagdiwang ang kampo ng Arellano at ang iba ay nag-iyakan pa.
Ang panalo ng Arellano ay nagkaloob sa kanila ng P100,000 premyo habang nagkasya ang Perpetual sa P75,000. Ang St. Benilde ang third placer sa kanilang 359.5 point para sa P50,000.