MANILA, Philippines - Binago ng Shakey’s V-League ang format ng kanilang kompetisyon para sa kanilang 12th season.
Sa halip na simulan ng tagisan sa hanay ng mga collegiate teams ay nagdesisyon ang nagpapalarong Sports Vision na simulan ang taon sa pamamagitan ng Open Conference na bubuksan sa Abril 6.
“Nagbago na kasi ang opening ng mga collegiate leagues na UAAP at NCAA at dahil ginagamit ng mga teams bilang bahagi ng kanilang paghahanda ang Shakey’s V-League kaya ginawa namin ito bilang second conference at ang Open bilang first conference,” wika ni Sports Vision chairman Mauricio “Moying” Martelino.
Tiyak na hitik sa aksyon ang matutunghayan sa liga dahil hindi lamang sa kababaihan ang labanan kungdi pati sa kalalakihan.
Ito ang ikalawang pagkakataon na magkakaroon ng men’s division at walong koponan na ang maglalaban mula sa dating apat.
Walong teams ang magbabakbakan sa kababaihan at inaasahang pangungunahan ito ng Army Lady Troopers at Cagayan Valley Lady Rising Suns na tumapos sa unang dalawang puwesto noong nakaraang taon.
“Marami pa nga ang gustong sumali sa men’s division at kami na ang tumanggi dahil masisira ang schedule. Mas masakit sa ulo dahil 16 teams ang kasali pero magandang problema ito para sa amin,” sabi pa ni Martelino.
Sa bandang Hunyo matatapos ang liga at ang format sa dalawang dibisyon ay single-round robin sa elimination round at ang mangungunang apat na teams ang uusad sa semifinals na isang cross-over at best-of-three series. Ang mananalo ang maglalaban sa Finals na inilagay din sa best-of-three.