MANILA, Philippines – Tiyak na kukuha ng atensyon ang dalawang batang national team members sa 2015 Philippine National Open Invitational Athletics Championships na nakatakda sa Marso 19-22 sa San Luis Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna.
Ang mga ito ay ang 19-anyos na si EJ Obiena at ang 22-anyos na si hurdles specialist Patrick Unso na gagamitin ang kompetisyon para sa gaganaping SEA Games sa Singapore sa Hunyo.
Si Obiena na siyang record holder sa pole vault sa lundag na 5.20 metro ay magtatangka na maulit ang marka para tumibay ang paghahabol ng gintong medalya sa SEA Games.
“Fourth placer lang ako sa Myanmar (2013) pero ang record ko ngayon ay lampas sa 5.15m na nagawa ng gold medalist sa last SEA Games. Sa ngayon ay may nakakagawa na rin ng 5.20 sa Thailand at kailangan kong itaas ito sa 5.30 para sa gold. Kapag nakuha ko ulit ang 5.20m sa Open ay tataas ang confidence ko,” wika ni Obiena.
Sa kabilang banda, si Unso ay magtatangkang abutin ang 14.14 segundong oras sa 110m hurdles para masama sa delegasyon.
“Qualifying tournament ito para sa akin at ang best time ko ay 14.21 at malapit na ito. Hopefully, makuha ko ito para masama sa Singapore,” ani ni Unso.
Naroroon din si PATAFA president Philip Ella Juico at sinabi niyang maraming magagandang labanan ang masisilayan sa event dahil sa pagdating ng mga delegasyon mula China, Chinese Taipei, South Korea, Hong Kong, Brunei, Thailand, Malaysia, Vietnam, Singapore, Indonesia at Myanmar.
Lubusang suporta ang ibinigay ni Laguna Gov. Ramil Hernandez para sa Open.