SAN ANTONIO - Gumaganda na ang opensa ng San Antonio Spurs matapos ang mga high-scoring games.
At ngayon ay kailangan nilang mas higpitan ang depensa.
Tumipa si Kawhi Leonard ng 25 points at may 24 si Tony Parker para ihatid ang Spurs sa 120-111 panalo laban sa Denver Nuggets.
Ito ang kanilang pang-apat na sunod na ratsada para palakasin ang tsansa sa playoffs.
Nagdagdag si Tim Duncan ng 15 points para sa San Antonio, naipanalo ang 11 sa kanilang huling 12 home games.
“Our defense was not very sharp,” sabi ni San Antonio guard Manu Ginobili. “I think late in the fourth we did better. We played with more intensity. Kawhi on (Ty) Lawson or (Jameer) Nelson did very well with his size, bothered them more. It was tough, they were scoring in every way.”
Ang Denver ay may anim na players na umiskor sa double figures sa pangunguna ng 23 points ni Lawson kasunod ang 20 ni Kenneth Faried na may 10 rebounds.
Umiskor ang Nuggets ng 60 points sa first half para sa matinik nilang opensa.
Nanatili namang nakadikit ang Spurs bago tumipa ng 15-of-18 shooting sa free throw line sa fourth quarter para tuluyan nang makalayo.
Sa Atlanta, kumamada si Al Horford ng 19 points at tumipa si Kyle Korver ng dalawang three-pointers sa fourth quarter para tulungan ang Atlanta Hawks sa 106-97 panalo laban sa Cleveland Cavaliers.
Ito ang pang-anim na sunod na panalo ng Atlanta at nakamit nila ang kanilang ika-42 tagumpay sa huling 48 laro.
Sa Houston, kumolekta si James Harden ng 38 points, 12 rebounds at 12 assists para sa kanyang ikatlong triple-double sa season at iginiya ang Rockets sa 103-93 panalo laban sa Detroit Pistons.
Winakasan ng Houston ang kanilang two-game losing skid.
Naglista si Greg Monroe ng 19 points sa panig ng Pistons.
Sa Memphis, nagtala si Zach Randolph ng 24 points at 13 rebounds at humugot si Marc Gasol ng siyam sa kanyang 18 points sa fourth quarter para ihatid ang Grizzlies sa 97-90 panalo laban sa Los Angeles Lakers.
Lumamang ang Lakers sa 87-84 abante sa huling tatlong minuto bago maghulog ang Grizzlies ng 13-3 atake para agawin ang panalo.
Kumamada si Fil-Am guard Jordan Clarkson ng career-high 25 points sa panig ng Lakers.
Sa Indianapolis, kumayod si Solomon Hill ng 16 points at nagdagdag si Ian Mahinmi ng season-high 14 points sa 98-84 panalo ng Indiana Pacers sa Chicago Bulls.
Kinuha ng Pacers ang season-high na apat na sunod na panalo para makaporma sa playoffs.