MANILA, Philippines – Isang abogado pa rin ba ang susunod na PBA commissioner o isang management guru, marketing expert, sportsman o personality na may iba’t ibang expertise?
Malalaman ito ngayon sa pagkikita-kita ng PBA board of governors para sa special meeting upang makabuo ng criteria at guidelines sa paghahanap ng magiging kapalit ni PBA commissioner Chito Salud.
Napagkasunduan ng Board na kailangang may bagong commissioner bago matapos ang PBA Commissioner’s Cup para may pagkakataon pa siyang magsanay kay Salud sa season-ending Governors’ Cup.
Pormal na naghain ng resignation si Salud, ang ikawalong commissioner ng liga na magiging epektibo sa pagtatapos ng season.
Bago ang board meeting ngayon, nagpahayag ng interes si NAASCU chief at SBP treasurer Jay Adalem na maging PBA chief.
Nauna nang inindorso sina PSC commissioner Jolly Gomez, dating Baguio City mayor at ABAP official Rei-naldo Bautista.
Sa mga naunang PBA board meeting, nabanggit ang mga pangalan nina BCAP president Chito Narvasa at mga dating PBA board members na sina JB Baylon at Lito Alvarez na mga kandidato.
Maaari ring ikonsidera sina PBA stars Robert Jaworski, Ramon Fernandez at Chito Loyzaga pero nagsabi na si Fernandez na hindi siya interesado sa isang online report. (NB)