MANILA, Philippines – Masusing nagmamasid ang Thailand sa takbo sa problema sa liderato ng volleyball sa bansa.
Interesado ang Thailand dahil nais nilang saluhin ang hosting ng 1st AVC Under-23 Women Championship na ibinigay sa Pilipinas at gagawin sa Mayo.
Nalalagay sa alanganin ang hosting dahil hindi pa opisyal na kinikilala ng international volleyball body FIVB ang bagong tatag na Larong Volleyball ng Pilipinas (LVP) na ipinalit sa PhilippineVolleyball Federation na siyang dating National Sports Association ng sport na ito.
Binigyan ng pansamantalang re-kognisyon ng FIVB ang LVP pero kailangang magsagawa ito ng eleksyon ngunit nagkaroon ng problema nang ipag-utos ni POC president Jose Cojuangco Jr. na huwag nang pakialamanan ni POC 1st VP Joey Romasanta ang asosasyon at ipaubaya na lamang sa kaibigan na si dating Kongresista at PAVA president Victorico Chavez.
Nilinaw naman ni Ramon ‘Tats’ Suzara na ang Pilipinas pa rin ang host ng kompetisyon ngunit dapat na maayos agad ang problema sa LVP dahil maaaring mawala nga ang hosting.
“I really hope that they can resolve it soonest,” sabi pa ni Suzara na kasapi sa FIVB at AVC Development Committee.
Bukod sa hosting, nalalagay din sa alanganin ang pagsali ng Pilipinas sa dalawang AVC tournament na U23 Men at AVC Women’s Championship. (AT)