MANILA, Philippines - Dahil sa kanyang negatibong komento sa ligang pinaglalaruan at laban sa isang Filipino world eight-division champion ay multang P250,000 ang ipinataw ng Philippine Basketball Association kay Purefoods import Daniel Orton.
Ito ang naging desisyon kahapon ni PBA Commissioner Chito Salud makaraang makausap ng halos 30 minuto si Orton sa kanyang opisina isang araw matapos ang paninira nito sa pro league at kay Manny Pacquiao, ang playing coach ng Kia.
“For issuing comments that are disparaging, disres-pectful of and offensive to his host league, the game officials and a fellow player and head coach of a member-team, a penalty of P250,000 is hereby imposed on Mr. Orton,” sabi ni Salud sa kanyang official statement.
Wala pang opisyal na pahayag ang Purefoods kung ano ang gagawin sa 6-foot-9 na si Orton.
“Regardless of what action his ballclub may take regarding his status, this Office disapproves of and frowns upon the cavalier manner in which Mr. Orton issued his comments and the unwarranted antics and liberties he has taken with the league and a fellow player. This insulting behavior will never be condoned by this league,” ani Salud.
Sa 84-95 pagkatalo ng Hotshots sa Carnival sa 2015 PBA Commissioner’s Cup noong nakaraang Miyerkules ay nalimitahan si Orton sa 6 points at 3 rebounds.
Dito niya ibinulalas ang kanyang pagkadismaya sa palpak umanong officiating.
Hindi rin niya pinaligtas si Pacquiao na itinuring niyang ‘joke’ sa basketball.
Inaasahang ibabalik ng Hotshots si Best Import Marqus Blakely na naggiya sa kanila sa malinis na 3-0 record.
Maaari ring ibalik ng Purefoods si Danzel Bowles na nagbigay sa B-Meg Llamados ng titulo noong 2012 PBA Commissioner’s Cup.