Blue Eaglets nakatutok sa korona
LARO NGAYON
(The Arena,
San Juan City)
2 p.m. – Ateneo vs NU
(Game 3, Finals)
MANILA, Philippines - Tapusin ang tatlong taong pagkauhaw sa titulo ang pagsisikapang gawin ng Ateneo Blue Eaglets sa pagharap sa nagdedepensang National University Bullpups sa Game Three sa 77th UAAP juniors basketball finals ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Asahan na magkukulay asul ang kapaligiran para pataasin ang morale ng mga Blue Eaglets na nangangailangan na lamang na manalo ngayong alas--2 ng hapon para kilalaning muli bilang kampeon.
Taong 2010 nang huling makatikim ng titulo ang Blue Eaglets at sa season na ito dapat kuminang ang koponan matapos gumawa ng 14-0 sweep sa double round elimination.
Naunsiyami ang pakay nilang 16-0 sweep nang padapain sila ng Bullpups sa Game One, 76-72, pero inilinyang muli ang sarili sa hangad na kampeonato mula sa 78-76 panalo sa Game 2 noong Lunes.
“We did what we do best, that is sharing the ball,” wika ni coach Joe Silva sa naging diskarte nila sa laro.
Higit sa team work, kakailanganin din ng Blue Eaglets ang alisin ang pressure dulot ng makukuhang titulo.
“They should not think too much. I just want them to have fun,” dagdag ni Silva na sasandal kina Mike at Matt Nieto bukod kay Lorenzo Mendoza.
Wala namang ibang gagawin ang Bullpups kundi dalhin ang laban sa Blue Eaglets lalo pa’t nakataya sa resulta ng bakbakan kung mahuhubad na ba ang hawak nilang titulo.
Nagdomina pa rin ang NU sa rebounding (48-40) at inside points (32-22) pero malamya ang kanilang depensa.
Si Mark Dyke, nalimitahan sa 12 puntos at 16 rebounds matapos ang 20 puntos at 17 boards sa Game One, ang huhugutang muli ng solidong numero ng mga Bullpups.
- Latest