ANTIPOLO CITY, Philippines --Dinomina ni Ronald Oranza ang Luzon qualifying leg matapos pangunahan ang Stage Two para magbigay ng babala sa mga paboritong sina Reimon Lapaza at Mark Galedo sa Ronda Pilipinas 2015 na inihahandog ng LBC.
Matapos hakutin ang mga premyo sa kanyang panalo sa Stage One sa Tarlac City noong Linggo, pinagharian naman ng 22-anyos na si Oranza ang 102.7-kilometer Stage Two sa kanyang bilis na 2 oras, 34 minuto at 41 segundo para kumpletuhin ang sweep sa Luzon leg.
Dahil dito, hinirang si Oranza, ang national team mainstay at kumakampanya ngayon para sa Navy-Standard Insurance, bilang overall champion ng Luzon sa kanyang aggregate time na 6:06.42.
Inungusan niya ang mga kakamping sina Jan Paul Morales at Santy Barnachea, ang 2011 inaugural Ronda champion.
Nagsumite si Morales, ang silver medal winner sa nakaraang Asian Cycling Championship sa Nakhon Ratchasima, Thailand ng oras na 6:07.22 habang nagtala si Barnachea ng 6:07.58.
Sasabak si Oranza sa championship round sa Feb. 22-27 na magsisimula sa Paseo Greenfield City sa Sta. Rosa, Laguna at magtatapos sa Baguio.
Inaasahang makakatapat niya sina Lapaza, ang 2014 winner at Galedo, ang 2012 titlist.
Kumpiyansa si Oranza, tubong Villasis, Pangasinan na kaya niyang makipagsabayan kina Lapaza at Galedo.
Inangkin din ni Oranza ang King of the Mountain at sprint king honors ng Luzon qualifying.
Sa kanyang mga panalo, lumikom si Oranza ng premyong P123,000 kung saan ang P50,000 ay para sa Luzon leg, ang P50,000 ay sa paghahari sa Stages One at Two, ang P20,000 ay para sa pagi-ging KOM at sprint winner at dagdag na P3,000 sa kanyang panalo sa intermediate sprint.
Premyong P1 milyon ang nakataya sa Ronda Championship round.