Thrice-to-beat advantage puntirya ng Lady Eagles
MANILA, Philippines - Palalawigin pa ng Ateneo Lady Eagles ang paggawa ng kasaysayan sa kanilang paaralan kung ang pagsali sa UAAP women’s volleyball ang pag-uusapan.
Kaharap ng nagdedepensang kampeon Lady Eagles ang karibal na La Salle Lady Archers sa ikatlong laro dakong alas-4 ng hapon at inaasinta ang kanilang kauna-una-hang 14-0 sweep.
Kung mangyari ito ay aabante na ang Lady Eagles sa Finals bitbit ang thrice-to-beat advantage sa lulusot sa step-ladder semis.
Pilit namang inaalis ni Ateneo Thai coach Tai Bundit ang anumang pressure sa koponan dala ng makukuhang panalo.
“Ganoon pa rin ang mindset namin na one game at a time. Itinutu-ring namin ito bilang end ng elimination round para sa amin at ang anumang mangyayari ay saka na namin iisipin,” wika ni team captain Alyssa Valdez.
Kung may isang bagay na inaasahan ang Ateneo, ito ay ang pinakamagandang paglalaro na manggagaling sa Lady Archers.
May anim na sunod na panalo ang La Salle papasok sa larong ito at kating-kati sila na maka-bawi matapos ng 22-25, 27-25, 25-16, 14-25, 9-15, pagkatalo sa first round.
Ito na ang ikatlong sunod na pagkatalo ng La Salle sa Ateneo kung ibibilang ang pagwalis ng Lady Eagles sa huling dalawang laro sa 76th Season finals para manalo kahit ang Archers ay may thrice-to-beat advantage.
Sinasandalan ni La Salle coach Ramil de Jesus na mas maayos ang ipakikita ng kanyang bataan matapos ang magandang laro nang kanilang pabagsakin sa straight sets ang Adamson Lady Falcons, 25-13, 25-15, 25-17, sa huling laro.
Si Ara Galang na nalimitahan sa 11 puntos lamang sa unang laro laban sa Ateneo, ang inaasahang hahataw para sa koponan matapos ang 20 hits at 10 digs laban sa Lady Falcons.
“Naroroon na iyong pattern ng laro na dapat na ipakita namin,” wika ni De Jesus.
Bago ito ay dalawang laro sa kababaihan na mahalaga rin ang makukuhang resulta ang matutunghayan muna.
Balak ng NU ang pormal na ipuwesto ang sarili sa semifinals kung manalo sa Adamson sa ganap na ika-12 ng tanghali.
Susunod dito dakong alas-2 ay ang pagtutuos ng UP Lady Maroons at UE Lady Warriors at hanap ng una ang patatagin ang paghawak sa mahalagang ikaapat. (AT)
- Latest