Sa UAAP women’s volleyball pag-sweep para sa Finals naamoy na ng Lady Eagles

MANILA, Philippines – Nakuhang muli ng Ate­neo Lady Eagles ang tikas sa paglalaro sa ma­halagang tagpo sa ikatlong set para makum­pleto ang 25-22, 25-17, 26-24, straight sets win kontra sa UE Lady Warriors para sa 13-0 karta sa 77th UAAP women’s volleyball tournament ka­hapon sa The Arena sa San Juan City.

May 12 kills patungo sa 14 hits si Alyssa Valdez, ngunit sina Amy Ahomiro at Ella De Je­sus ang nagsanib sa hu­ling limang puntos ng nag­dedepensang kampeon para maisantabi ang 21-24 iskor.

“Nagrelax kami at ma­raming errors sa third set. Pero pinag-me­ditate kami ni coach Tai (Bundit) at nakatulong ito para ma-relax ka­mi at maalis ang pressure,” wika ni Valdez.

Lalabanan ng Lady Eagles sa Miyerkules ang karibal na La Salle Lady Archers sa ka­ni­lang huling laro sa eli­mi­nation round.

Kailangan na lamang nila na manaig pa para pumasok na sa Finals bit­bit ang mahalagang ‘thrice-to-beat’ advantage.

Naipakita rin ng La­dy Archers ang kahan­daan na pigilan ang sweep ng Lady Eagles nang ilampaso ang Adamson La­dy Falcons, 25-13, 25-15, 25-17, sa ikalawang laro.

Dinomina ng Lady Archers ang attack points, 42-23, na ikina­tuwa ni coach Ramil de Jesus dahil mahalaga ito kung hangad nilang ma­nalo sa Ateneo.

“Iyong ginagawa ni­la sa practice nailabas nila sa larong ito. May basehan na ang puwede nilang gawin sa Miyer­kules,” wika ni De Jesus.

Si Ara Galang ay may 18 kills tungo sa 20 puntos bukod sa 10 digs para pangunahan ang La Salle sa kanilang ikaa­nim na sunod na panalo tungo sa 12-1 baraha.

Ang pagkatalo ng La­dy Falcons ay nagtu­lak sa koponan para ma­kasalo ang UP Lady Ma­roons sa ikaapat at limang puwesto sa 5-7 ba­raha.

Samantala, tinalo ng Adamson Falcons ang UP Maroons, 25-21, 20-25, 25-20, 25-17, ha­bang nanaig ang nagde­depensang NU Bulldogs sa UE Warriors, 25-12, 25-17, 25-20, para tumindi pa ang la­banan para sa mahalagang ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four sa men’s division.

Show comments