MANILA, Philippines - Pangungunahan ng Philippine team na umabante sa knockout quarterfinals ng nakaraang FIBA 3x3 World Tour Finals sa Sendai, Japan ang mahabang listahan ng mga atleta, teams at entities na kikilalanin ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa Annual Awards Night na inihahandog ng Milo at San Miguel Corp.
Binubuo nina Terrence Romeo, KG Canaleta, Rey Guevarra at Aldrech Ramos, sinibak ng koponan ang world champion Doha ng Qatar sa FIBA 3x3 World Tour Manila Masters para makalaro sa world championship.
Ang 3x3 team ang mamumuno sa 23 iba pang gagawaran ng rekognisyon dahil sa kanilang kontribusyon sa Philippine sports sa PSA Awards sa Feb. 16 sa 1Esplanade sa Pasay City na suportado ng MVP Sports Foundation, Meralco at Smart bilang mga principal sponsors at Philippine Sports Commission bilang major sponsor.
Tatanggap din ng pagkilala mula sa 66-ayos na media organization na pinamumunuan ni Jun Lomibao ng Business Mirror ang NU Lady Bulldogs, San Beda Red Cubs, sina Anita Koykka, Maybelline Masuda, Annie Ramirez at Geylord Coveta, Philippine Taekwondo team (male under-30), Francis Aaron Agojo, Phl taekwondo team nina Jeordan Dominguez, Juvenile Faye Crisostomo, Jaylord Seridon, Joe Vanni Colega, Rodolfo Reyes Jr., McAvyngyr Alob, Clement Tsulong Tan, Elisabella Cesista, Leanarda Nicole Landrito, Rinna Babanto, Jocel Lyn Ninobla at Janna Dominique Oliva.
Nasa listahan din sina Kenneth San Andres, Peter Gabriel Magnaye at Paul Vivas, August Benedicto, Claire Adorna at Bong Lopez, Philippine Basketball Marathon, University of the East juniors volleyball team, Adamson women’s softball team, Saturday Afternoon Gentlemen Sailors, Pagpupugay, Philippine Collegiate Champions League, Accel, Unilab Active Health at The Junior Golfers League.
Si BMX rider Daniel Caluag ang tatanggap ng PSA Athlete of the Year sa awards night na inihahandog ng PCSO, PBA, Rain or Shine, Maynilad, ICTSI, Accel, PAGCOR, National University, Globalport, El Jose Catering at Air21.
Makakasama ng 27-anyos na si Caluag sa formal event ang National University (President’s award), MVP Sports Foundation Inc (Sports Patron of the Year), 1973 Philippine men’s basketball team (Lifetime Achievement Award), coach Tim Cone (Excellence in Basketball), Mitsubishi (Hall of Fame), sina Alyssa Valdez (Ms. Volleyball), Jean Pierre Sabido (Mr. Taekwondo) at sina Pirncess Superal at Tony Lascuna (Golfers of the Year).
Tatanggap naman ng major awards si Donnie Nietes, ang San Mig Coffee team, sina Gabriel Luis Moreno at Michael Christian Martinez, ang San Beda Red Lions, sina June Mar Fajardo, Kiefer Ravena, Mark Galedo, Daniella Uy, Mikee Charlene Suede, Jessie Aligaga at Jean Claude Saclag, ang Philippine dragon boat team, Philippine poomsae team (male under 30), Philippine poomsae team (freestyle), ang kabayong Kid Molave at si Jonathan Hernandez.