Pacers tinapos ang streak ng Cavs; Hawks balik sa top spot ng standings
INDIANAPOLIS -- Gusto lamang makatuntong ni George Hill sa free throw line nang ihagis niya ang desperadong three-pointer.
Ngunit inilagay niya ang Pacers sa posisyon para wakasan ang 12 winning streak ng Cleveland Cavaliers.
Umiskor si C.J. Miles ng 26 points, habang nagsalpak si Hill ng mahalagang four-point play para igiya ang Indiana Pacers sa 103-99 paggitla kontra sa Cavaliers.
Lamang ng isang puntos ang Cleveland sa huling 1:26 minuto, binigyan ni Kyrie Irving ng foul si Hill mula sa ball screen sa aktong paghagis ng isang one-handed 3-point shot.
Pumasok ang tres ni Hill kasunod ang kanyang free throw para sa three-point lead ng Indiana.
Tumapos si Hill na may 20 points.
“I just wanted to make a play. Shots weren’t falling for me at the time,’’ sabi ni Hill. “I was trying to figure out ways to get to the free throw line and I knew (Irving) was pressing over up over the screen. (I) tried to draw the foul and it worked to our advantage.’’
Nagdagdag si David West ng 13 rebounds at 20 points para sa kanyang ikatlong double-double sa season para sa Pacers.
Lumamang ang Cavs (31-21) ng 13 points sa third quarter bago naghulog ang Pacers (19-32) ng 14-2 atake para sa kanilang three-point deficit.
Sa Atlanta, tumikada si Jeff Teague ng 23 points at nalampasan ng Hawks ang one-two backcourt punch ng Golden State Warriors para sa kanilang 124-116 panalo.
Pitong Atlanta players ang umiskor sa double figures.
Kumolekta si Al Horford ng 12 points at 14 rebounds sa kabila ng paglalaro ng walong minuto sa second half dahil sa foul trouble.
Tumapos naman si Paul Millsap na may 21 markers.
Nagtabla ang dalawang koponan sa 52-52 sa halftime at lumamang ang Atlanta ng apat patungo sa final period.
Ang back-to-back three-pointers nina Mike Scott at Kyle Korver, kapwa tumapos na may tig- 17 points, ang naglayo sa Hawks.
Umasa ang Warriors sa one-two punch nina Klay Thompson, tumapos na may 29 points, at Stephen Curry, nagdagdag ng 26 points at 9 assists.
- Latest