MANILA, Philippines - Walang dudang ang National University ang nagtala ng hindi malilimutang istorya noong 2014 sa local sports.
Matapos ang mahabang 60 taon ng paghihintay ay muling hinirang ang mga Bulldogs bilang kampeon nang angkinin ang UAAP men’s basketball title sa Season 77 laban sa Far Eastern University Tamaraws.
Sa nakaraang anim na dekada ay tiniis ng NU ang kahihiyan sa pagiging kulelat sa UAAP na kanilang pinagharian noong 1954.
Ngunit sa pamamagitan ng solidong suporta ng bagong may-aring SM Group of Companies, unti-unting lumakas ang Bulldogs sa ilalim ni coach Eric Altamirano para maging kampeon.
Dahil dito, ibibigay ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa Bulldogs ang President’s Award para sa pagdaraos ng Annual Awards Night na iniha-handog ng Milo at San Miguel Beer sa Feb. 16 sa 1Esplanade Mall ng Asia Complex.
Makakasama ng Bulldogs sa centerstage si BMX rider Daniel Caluag, ang gold medal sa Incheon Asian Games ang nagbigay sa kanya ng 2014 Athlete of the Year trophy, sa award ceremony na suportado rin ng Meralco, Smart at MVP Sports Foundation bilang principal sponsors at ang Philippine Sports Commission (PSC) bilang major sponsor
Inangkin ng Bulldogs ang UAAP title matapos ipanalo ang limang do-or-die games, kasama rito ang championship-clinching match laban sa Tamaraws, 75-59, noong October 15 na pinanood ng record crowd na 25,118 fans sa Smart Araneta Coliseum.
Bibigyan din ng parangal sa award night na iniha-handog din ng Globalport, Air21, National University, Accel, Maynilad, PBA, PCSO, Rain or Shine, ICTSI, PAGCOR at El Jose Catering ang mga major awardees na sina Donnie Nietes, ang San Mig Coffee team, sina Gabriel Luis Moreno, Michael Christian Martinez, San Beda Red Lions, June Mar Fajardo, Kiefer Ravena, Mark Galedo, Daniella Uy, Mikee Charlene Suede at iba pa.