Blood testing ipatutupad sa SEA Games
MANILA, Philippines – Pinaalalahanan kahapon ni Chief of Mission Julian Camacho na maging alisto ang mga kasaling National Sports Associations (NSAs) sa Singapore SEA Games dahil sa pag-iimplementa ng mas matinding drug testing ng nagpapalaro.
Sa kagustuhan na labanan ng Singapore ang dumaraming insidente ng pagkakatuklas ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot ng mga atleta ay ipaiiral sa unang pagkakataon sa SEAG ang paggamit ng blood testing bilang bahagi sa drug test sa mga manlalaro.
“We are not bothered dahil wala naman tayong ganitong problema the past SEA Games. Pero kailangan din na hindi magpapabaya ang mga NSAs natin at papuntahin ang mga atleta nila na may sakit sa mga sports doctors natin para mabigyan ng tamang gamot,” wika ni Camacho.
Ang Singapore ay nagpasabi na rin na ang lahat ng kanilang atleta ay ipasusuri ang dugo upang matiyak na magiging malinis sila bago ang kompetisyon.
Hindi naman makakaya ng Pilipinas na tularan ang aksyon ng Singapore dahil mas mahal ang pagsuri ng dugo.
Ang dating ginagamit sa drug test ay urine sample ng mga atleta.
Nasa 279 na ang bilang ng mga aspirants para sa national team pero may posibilidad na lumobo pa ito dahil may iba pang NSAs ang hindi nagsusumite ng kanilang talaan.
Layunin ng delegasyon ang makabangon mula sa pinakamasamang pagtatapos sa kasaysayan ng pagsali ng bansa sa SEA Games.
Pumuwesto ang bansa sa pang-pito sa SEA Games sa Myanmar noong 2013.
- Latest