Kiamco hari sa Derby City Classic
MANILA, Philippines – Tinapos ni Warren Kiamco ang kawalan ng malaking panalo sa loob ng ilang taon nang pagharian ang Derby City Classic 9-Ball na ginawa sa Horseshoe Southern Indiana Resort and Casino, Elizabeth, Indiana.
Tinalo ni Kiamco ang dating kababayan na nagbalik sa Canada na si Alex Pagulayan sa ikalawang tapatan para maibulsa ang premyong $16,000.
Ito ang pinakamalaking panalo na nakuha ni Kiamco matapos ang $12,000 na napanalunan nang pumangalawa sa World Classic 10-ball noong 2009.
Naunang kumabig ng 13 sunod na panalo si Kiamco para harapin sa finals si Pagulayan na may isang talo na.
Nangibabaw si Pagulayan sa unang paghaharap, 9-4, pero nakabalik si Kiamco sa kanyang buy-back option.
Sa ikalawa at huling laro ay naging matatag si Kiamco at isinantabi ang pagdikit ng katunggali sa 8-7 iskor nang naipasok ang 7-9 kumbinasyon para sa 9-7 pananaig. (AT)
- Latest