MANILA, Philippines - Masusubukan ang mga sprinters sa kaagahan ng 2015 Le Tour de Filipinas, habang magiging hamon naman para sa mga climbers ang Stage Four na magtatapos sa Cordilleras sa Baguio City.
Ang ika-anim na edisyon ng Le Tour de Filipinas, inihahandog ng Air21 katuwang ang MVP Sports Foundation at Smart, ay may nakalatag na pitong intermediate sprints sa apat na stages.
Bagama’t may apat na bundok na aakyatin, magbabakbakan ang mga climbers sa nasabing four-stage race na suportado ng Victory Liner, San Mig Zero, Novo Nordisk Pharmaceuticals Phils. at Canon sa Baguio City ngunit hindi sa Burnham Park kundi sa harap ng Baguio City Convention Center.
May kabuuang distansyang 532.50 kilometro, ang 2016 Le Tour de Filipinas na magdiriwang ng ika-60 taon ng multi-stage road cycling sa bansa ay inaasa-hang magiging isang mabilis na karera, ayon kay race manager Paquito Rivas.
“It will be a fast race with average speeds of no less than 40 kph,” wika ni Rivas, ang 1979 Tour champion na kilala bilang undisputed Eagle of the Mountain ng Philippine cycling.
“But come Stage Four, the climbers will make their one final push,” dagdag pa nito.
Magsisimula ang karera, itinataguyod din ng Isuzu, Man Truck and Bus, Viking Rent-A-Car at NLEX bilang road partners, sa Linggo sa pamamagitan ng 126-km Balanga-Balanga (Bataan) Stage One kasunod ang 153.75-km Balanga-Iba (Zambales) Stage Two, 149.34-km Iba-Lingayen (Pangasinan) Stage Three at 101-km Lingayen-Baguio City Stage Four.
Sa unang pagkakataon sa loob ng apat na taon, ang Le Tour ay aakyat sa Summer Capital via Kennon Road.
Kabuuang 15 koponan ang kalahok sa naturang Union Cycliste International-calendared race.
Ang mga ito ay ang continental teams na Team Novo Nordisk (USA), RTS Santic Racing Team (Taiwan), Attaque Team Gusto (Taiwan), Singha Infinite Cycling Team (Thailand), Navitas Satalyst Racing Team (Australia), CCN Cycling Team (Brunei), Pegasus Continental Cycling Team (Indonesia), Terengganu Cycling Team (Malaysia), Bridgestone Anchor Cycling Team (Japan), Pishgaman Yzad Pro Cycling Team (Iran), Tabriz Petrochemical Team (Iran) at 7-Eleven-Road Bike Philippines.
Ang tatlong national teams na sasabak sa karera ay ang Philippine PhilCycling Team, Uzbekistan at Kazakhstan.