MANILA, Philippines – Dalawang araw bago magsimula ang ika-6 edis-yon ng Le Tour de Filipinas ay magdaratingan sa bansa sa Biyernes ang kabuuang 13 foreign squads, ang 11 dito ay continental teams at dalawa ang national teams.
Ang unang lalapag para sa karerang inihahandog ng Air21 katuwang ang MVP Sports Foundation at Smart ay ang Navitas Satalyst Racing Team mula sa Australia kasunod ang Pishgaman Yzad Pro Cycling Team ng Iran, ang CCN Cycling Team ng Brunei at ang Kazakshtan National Team at ang Team Novo Nordisk ng US, ang unang professional cycling team na binubuo ng mga riders na may Type 1 Diabetes.
Darating din sa nasabing araw ang RTS Santic Racing Team at Attaque Team Gusto ng Taiwan, ang Singha Infinite Cycling Team ng Thailand, ang Pegasus Continental Cycling Team ng Indonesia, ang Terengganu Cycling Team ng Malaysia, ang Bridgestone Anchor Cycling Team ng Japan, ang Tabriz Petrochemical Team ng Iran at ang Uzbekis-tan National Team.
Inaasahang bibigyan sila ng magandang laban ng mga local squads na 7-Eleven-Road Bike Philippines at ang National Team ng PhilCycling sa Feb. 1-4 na UCI Asia Tour race na suportado rin ng Victory Liner, San Mig Zero, Novo Nordisk Pharmaceuticals Phils. at ng Canon bilang major sponsors.
Ang 2014 Le Tour ang magpapasinaya sa Asia Tour 2015 calendar ng UCI at magiging ika-60 taon ng pagdaraos ng multi-stage road racing sa bansa.
Ang Stage One sa Pebrero 1 ay isang 126-km Balanga-Balanga (Bataan) kasunod ang 153.75-km Balanga-Iba (Zambales) Stage Two, 149.34-km Iba-Lingayen (Pangasinan) Stage Three at 101-km Lingayen-Baguio City Stage Four.
Bibigyan ang mga cyclists ng buong araw na pagsasanay sa Sabado kung saan magdaraos ang nag-oorganisang Ube Media ng Team Managers meeting na pamumunuan nina Le Tour organizer Donna Lina at UCI International Commissaire Peter Tomlinson ng Australia.