MANILA, Philippines – Sila ang nag-unahan para makuha si dating Air21 import Michael Dunigan at sila rin ang unang maghaharap sa pagbubukas ng 2015 PBA Commissioner’s Cup sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Itatampok ang 6-foot-8 na si Dunigan, lalabanan ng Barangay Ginebra ang Meralco ngayong alas-7 ng gabi matapos ang salpukan ng Kia at Globalport sa alas-4:15 ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“It’s a veteran team. Of course, I see myself as an inside threat,” ani Dunigan sa kanyang pagkampanya para sa Gin Kings. “They know what I can do, I know what I can do. As long as we’ll play hard, we should be fine.”
Makakatuwang ni Dunigan sa shaded lane para sa Ginebra ni coach Ato Agustin, pumalit kay Jeffrey Cariaso, sa torneong may height limit na 6’9 para sa imports ng walong koponan, sina seven-footer Greg Slaughter at 6’8 Japeth Aguilar.
Si Dunigan ay naglista ng averages na 23.9 points, 15.4 rebounds, 3.3 assists at 2.4 blocks noong 2013 PBA Commissioner’s Cup na pinagharian ng Alaska kasama si Rob Dozier.
Sa kabiguan namang makuha si Dunigan ay hinugot ng Bolts ni Norman Black si Josh Davis, pinapirma ng San Antonio Spurs noong nakaraang taon at pinakawalan bago magsimula ang NBA season.
Kumampanya si Davis para sa Austin Toros sa NBA D-League kung saan siya nagtala ng mga averages na 13.8 points at 10.5 rebounds.
Sa unang laro ay ipaparada naman ng Kia si 7-2 3/ 4 Peter John Ramos laban kay 6’9 CJ Leslie ng Globalport.
Ang last four placers sa nakaraang Philippine Cup ay binigyan ng pagkakataong kumuha ng mga imports na may unlimited height. Ang mga ito ay ang No. 9 Barako Bull, No. 10 NLEX, No. 11 Kia at No. 12 Blackwater.
Ang iba pang imports ay sina 6-8 1/16 Rick Jackson (Rain or Shine), 7-0 1/2 Solomon Alabi (Barako Bull), 6-6 15/16 Richard Howell (Talk ‘N Text), 6’9 DJ Covington (Alaska), 6’9 Al Thornton (NLEX), Chris Charles (Blackwater) at Marqus Blakely (Purefoods).