Laro Ngayon (The Arena, San Juan City)
2 p.m. – EAC vs CSB
(Game 3, Finals)
MANILA, Philippines – Isa lamang sa pagitan ng Emilio Aguinaldo College Generals at St. Benilde Blazers ang makikilala bilang kampeon sa 90th NCAA men’s volleyball.
Ang dalawa ay magkikita sa huling pagkakataon ngayong ika-2 ng hapon sa The Arena sa San Juan City para makumpleto ang talaan ng mga nagdominang paaralan sa season.
Nabigo ang Blazers sa hangaring walisin ang best-of-three finals series nang bumangon ang Generals mula sa 1-2 iskor tungo sa 25-22, 21-25, 21-25, 25-15,15-13 panalo sa Game Two noong Biyernes.
Sa ganitong do-or-die game,wala nang ha-laga ang resulta ng mga naunang pagkikita dahil ang determinasyon at tapang ng mga players ang maghahatid sa panalo sa isang koponan.
Walang duda na ang Generals ay sasandal kay Mojica na matapos ang dalawang laro ay gumawa ng kabuuang 59 hits.
May 26 siya sa Game One na napagharian ng Blazers bago itinaas ang ipinakitang laro sa ikalawang tagisan sa pinakawalang 33 hits.
Ngunit bukod sa opensa, dapat ay ma-panatili ng Generals ang matibay na depensa na kanilang ipinakita sa Game Two nang magkaroon ng 60 digs laban sa 43 lamang ng katunggali.
Ang liberong si Juvie Mangarin ang siyang aasahan matapos ang 20 digs sa huling laro.
Ipantatapat ng Blazers sa opensa si Johnvic De Guzman na gumawa ng 46 hits sa dalawang laro.
Pero para manalo, dapat ay may makuha siyang mas magandang suporta sa mga kakampi kasabay ng paglimita sa kanilang errors.
May 38 errors ang Blazers sa ikalawang laro na nakatulong para ma-kabangon ang Generals.
Nauna nang natapos ang labanan sa juniors at women’s division nang walisin ng Perpetual Help Junior Altas at Arellano Lady Chiefs ang mga nakalabang Lyceum Junior Pirates at San Sebastian Lady Stags, ayon sa pagkakasunod. (AT)