Pacquiao tuwang-tuwa sa pagbisita kay Prince Harry

MANILA, Philippines - Hindi naitago ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao ang kanyang kasiyahan matapos ang kanilang hapunan ni Prince Harry sa Buckingham Palace, sa London.

Ipinoste ni Pacquiao sa kanyang Instagram ang kanyang mga litrato kasama si Prince Harry. Kasama rin niya sa pagbisita sa prinsipe ang asawang si Jinkee.

“Dinner with Prince Harry its so nice thank you Lord,” sabi ng 36-anyos na Sarangani Congressman sa kanilang pagkikita ng 30-anyos na si Prince Harry, anak ni Prince Charles at ng namayapang si Princess Diana.

Bago ang kanilang hapunan ni Prince Harry ay nagposte si Pacquiao ng kanyang litrato na nakasuot ng formal wear .

“(It’s) nice to be in London, going to have dinner with VIP people and the Prince,” ani Pacquiao na tagasubaybay ng Royal Family.

Sa kanilang hapunan ay hindi napag-usapan nina Pacquiao at Prince Harry ang tungkol sa boksing.

Sa halip ay hinikayat  ni Prince Harry si Pacquiao na makiisa sa kanyang mga gagawing charitable events.

Samantala, pinabulaanan ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na siya ang dahilan kung bakit mabagal ang negosasyon para sa super fight nina Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr.

“This is something that is totally strange,” sagot ni Arum sa akusasyon sa kanya ni Mayweather. “There is one guy to blame. And that’s Floyd Mayweather.”

Sinabi ni Arum na hindi lamang ang laban nina Pacquiao at Mayweather ang kanyang pinaplantsa kundi nag-uusap rin sila ni CBS president Leslie Moonves at HBO chairman at CEO Richard Plepler. Si Pacquiao ay nasa ilalim ng HBO, habang si Mayweather ay nasa bakuran ng Showtime/CBS.

“Everybody involved wants this fight, just like the fans,” ani Arum. “We’ve signed off on eve-ry point. We’ve agreed to everything. But push comes to shove, there’s one guy to blame.”

Bagama’t wala pang pormal na sagot si Mayweathar ay itinakda ang kanilang banggaan ni Pacquiao sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada. (RC)

Show comments