MANILA, Philippines - Buksan ang second round sa pamamagitan ng panalo ang nais gawin ng La Salle Lady Archers laban sa FEU Lady Tamaraws sa pagbabalik-laro ng 77th UAAP wo-men’s volleyball ngayong hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Natalo ang Lady Archers sa nagdedepensang kampeong Ateneo Lady Eagles sa pagtatapos ng first round noong Enero 11 na umabot sa limang set.
Ang siyam na araw na pahinga ay inaasahang magbabalik sa dating matikas na porma ng koponan para manatiling nakakapit sa ikalawang puwesto.
Sina Ara Galang, Mika Reyes at Cydthealee Demecillo ang mangunguna sa Lady Archers na nais na maulit ang 25-16, 21-25, 25-23, 25-22 panalo noong Disyembre 10.
Ang UP Lady Maroons at UE Lady Warriors ay magkukrus ang landas sa unang laro sa ganap na ika-2 ng hapon.
Ipakikita ng State University na palaban pa rin ito kahit nawala ang mahusay na spiker na si Katherine Bersola na tinamaan ng ACL injury sa huling laro laban sa Adamson Lady Falcons na kanilang tinalo sa apat na sets.
Magkasalo ang UP, FEU at pahingang Adamson sa ikaapat hanggang ikaanim na puwesto sa 3-4 baraha at kailangan nila ang panalo para lumakas ang paghahabol ng upuan sa Final Four.
Samantala, pagsisikapan ng nagdedepensang National University Bulldogs at Adamson Falcons na manatili sa unang puwesto sa kalalakihan sa pagharap sa magkahiwalay na kalaban.
Katunggali ng Bulldogs ang UP Maroons sa unang laro sa ganap na ika-8 ng umaga bago sundan ng Falcons -Archers game dakong alas-10 ng umaga at kapwa target ng NU at Adamson ang ikapitong panalo matapos ang walong laro. (AT)