TORONTO – Nagsalpak si guard Tyreke Evans ng isang driving layup sa natitirang 1.6 segundo para ilusot ang New Orleans Pelicans laban sa Raptors, 95-93.
Ito ang unang panalo ng New Orleans sa kanilang pitong pagkikita ng Toronto.
Tumapos si Evans na may 26 points at may 22 si Alexis Ajinca para sa panalo ng Pelicans na naglaro nang wala sina injured starters Anthony Davis (left foot) at Jrue Holiday (right ankle).
Ito ang ikalawang pagkakataon na hindi nakita sa aksyon sina Davis at Holiday.
Sa San Antonio, tumipa si Tiago Splitter ng 14 points, habang nagtala si Kawhi Leonard ng 12 points at 9 rebounds para banderahan ang Spurs sa 89-69 pananaig laban sa Utah Jazz.
Nagdagdag si Tim Duncan ng 11 points sa loob ng 23 minuto para sa San Antonio, nakamit ang kanilang ikatlong dikit na panalo kasama ang dalawa sa pagbabalik ni Leonard sa lineup.
Nagposte si Rudy Gobert ng 13 points at season-high na 18 rebounds at may 10 points si Gordon Hayward para sa Utah.
Tinalo ng Utah ang San Antonio, 100-96 noong Dec. 9 kung saan inisyal na nagkaroon ng right hand injury si Leonard matapos bumagsak mula sa na-bigong slam dunk attempt.
Nasaktan naman si Leonard sa kanilang rematch ng Jazz makaraang bigyan ng hard foul ni Gobert sa 9:14 minuto sa first half. Iniunat ni Leo-nard ang kanyang kanang kamay at hindi nagreklamo ng anumang pananakit.
Sa Orlando, naglista si Kevin Durant ng 21 points, 11 rebounds at 8 assists para ihatid ang Oklahoma City Thunder sa 127-99 panalo laban sa Magic.
Nag-ambag si Russell Westbrook ng 17 points at 6 assists, habang nagtala sina Serge Ibaka at Dion Waiters ng tig-16 points.