MANILA, Philippines – Ang makinang na kampanya ng Hagdang Bato bukod pa sa Malaya, Kanlaon at King Bull ang nagtulak kay Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos para maging numero uno sa hanay ng mga horse owners kung kita sa 2014 horse racing ang pag-uusapan.
Si Abalos ay mayroon lamang 56 panalo pero dahil malalaking karera ang napanalunan ng mga alagang kabayo, iniwan niya ng milya-milya ang mga katunggali.
May 54 segundo, 32 tersero at 20 kuwarto puwestong pagtatapos si Abalos para tumabo ng P17,136,563.36 sa isang taong pangangarera.
Nagtrangko sa laban ni Abalos ang Hagdang Bato na kumita ng P8,030,191.77 habang ang Malaya ang tumapos sa pang-apat na puwesto sa hanay ng mga kabayo sa P4,792,518.79. Nasa limang milyon naman ang pinagsaluhan ng King Bull at Kanlaon.
Ang sumunod na anim na horse owners ay may mas mataas na bilang ng panalo kay Abalos pero nakuha nila ito sa mga ordinary at ilang stakes races lamang para malagay sa mas mababang puwesto.
Si Patrick Uy ang ikalawang pinakamahusay na horse owner tangan ang P13,066,805.11. Siya ang may pinakamaraming bilang ng panalo na nasa 100 bukod pa sa 58 segundo, 53 tersero at 68 kuwarto puwesto.
Nasa ikatlo si Aristeo Puyat sa P12,579,457.43 sa 85-78-91-76, habang ang Santa Clara Stockfarm ang nasa ikaapat na puwesto sa P12,462,933.09 (66-46-56-32) kasunod si Atty. Norberto Morales na may P11,576,783.81 (69-90-89-73).
Dalawa ang horse owners na Jade Bros. Farm at Ruben Dimacuha ang pumasok din sa mahigit na P10 milyon kita.
May P10,829,886.38 ang Jade Bros. Farm (74-61-53-64) habang si Dimacuha ay mayroong P10485,93.94 (67-44-34-34).
Ang nanguna noong 2014 na si Hermie Esguerra ay nalagay na lamang sa ika-11th puwesto sa P7,846,942.15 mula sa 51 panalo, 28 segundo, 20 tersero at walong kuwarto puwestong pagtatapos. (AT)