MANILA, Philippines – Pinagmamadali ni PSC chairman Ricardo Garcia ang mga National Sports Associations (NSA) na sasali sa SEA Games sa Singapore hinggil sa pagsusumite ng talaan ng manlalaro na balak ipadala sa kompetisyon.
Ginawa ito ni Garcia kahapon matapos saksihan at nadismaya sa pagkilos ng mga NSAs na ang karamihan ay hindi nakasunod sa ipinag-uutos ng working committee para masuri ang nais na line-up sa Singapore.
Pito lamang sa 33 NSAs ang nagbigay ng short list ng atleta habang ang mga nalalabing asosasyon ay nagpasa ng mahabang listahan.
“Ang mga listahan ay pangalan lang ng mga atleta ang nakalagay, wala ang kanilang records o performances sa mga tournaments na sinalihan. Kung wala ito, paano madedetermina kung dapat ba o hindi ipadala ang kanilang mga atleta,” wika ni Garcia.
Halos limang buwan na lamang ay gagawin na ang SEAG kaya’t nababahala si Garcia sa ikinikilos ng mga sports associations.
“Worried ako dahil ang mga NSAs, hindi nila binibigyan ng pagpapahalaga ang SEA Games,” sabi pa ni Garcia.
Ibinalik ang listahan sa mga NSAs na hindi nakasunod sa nais ng working committee at nananalig si Garcia na sa susunod na linggo ay maitatama na ang mga ito para gumulong na ang pagpili at paghahanda ng mga ipanlalaban sa kompetisyong gagawin mula Hunyo 5 hanggang 16. (AT)