ABAP may iba pang pinaghahandaan

MANILA, Philippines - May dalawa pang mas malalaking kompetisyon na  pinaghahandaan ang ABAP sa taong 2015.

Sa panayam kay ABAP executive director Ed Picson, ang mga elite male boxers ay isasalang din sa World Men’s Championship sa Doha, Qatar mula Oktubre 11 hanggang 27.

Mahalaga ito dahil ginagamit ang kompetisyon ng AIBA bilang isa sa qualifying tournaments para sa 2016 Rio Olympics.

Ang mga 15-16 at 17-18 boxers ay lalaban din sa World Junior and Youth Championships sa Chinese Taipei sa Mayo.

“Magiging abala ang national boxers sa taong ito dahil hindi lamang SEAG sa Singapore ang pinagha-handaan namin kungdi pati ang dalawang World championships,” wika ni Picson.

Dahil dito, maagang magsisimula ang pagsasala sa mga national boxers para sa bubuo ng pambansang koponan. Sa Enero 23 ay magsisimula na ang box-off sa ABAP gym at magtatagal ito hanggang Abril.

“Ang mga unang box-off ay gagawin sa gym pero nakikipag-usap ako sa mga Mall owners at ilang Local Government Units (LGUs) para doon sa kanilang lugar gawin ang iba para makita rin ng tao ang ating mga panlaban,” sabi pa ni Picson.

Nilinaw pa ng ABAP official na isa lamang ang box-off sa serye ng elimination para mapili ang pinakakondisyon at may magandang tsansa na manalo ng gintong medalya.

Sa ngayon ay may 45 boxers (mula sa male at female elite hanggang juniors) ang nasa pangangalaga ng ABAP at sinusuportahan ng PSC at ang mga mapipiling panlaban sa malalaking torneong nabanggit ay balak din isalang sa mga training camps na iaanunsyo sa hinaharap. (AT)

Show comments