UAAP Juniors basketball Blue Eaglets diretso sa 8-panalo

MANILA, Philippines - Napanatili ng Ateneo ang kanilang perpek-tong record matapos lusutan ang De La Salle-Zobel, 69-67 sa UAAP Season 77 juniors basketball tournament sa Blue Eagle Gym.

Nagsalpak si Mike Nieto, ang nangungunang MVP contender, ng isang fastbreak lay-up sa huling 12.1 segundo na siyang nag-akay sa Blue Eaglets sa 8-0 baraha.

Ito ang ikalawang sunod na laro kung saan nagbida si Nieto para sa Ateneo.

Itinakas niya ang Blue Eaglets sa 66-64 tagum-pay laban sa defending champion National University sa pagsasara ng first round na tumapos sa 22-game winning streak ng Bullpups.

Pinamunuan ni Jolo Mendoza ang Ateneo sa kanyang 22 points, habang nagdagdag ng 13 si Matthew Nieto at humakot si Mike Nieto ng 18 rebounds.

Pinadapa naman ng Far Eastern University-Diliman ang NU via double overtime victory, 68-65.

Ito ang ikalawang dikit na kamalasan ng Bullpups, nanatili sa second place sa kanilang 6-2 kartada kasunod ang Baby Tamaraws at Junior Archers na may magkatulad na 5-3 baraha.

Show comments