MANILA, Philippines - Sa kabila ng pagkakalagay ng isa nilang paa sa hukay, kumpiyansa pa rin si Rain or Shine head coach Yeng Guiao na makakapuwersa sila ng Game Seven laban sa Alaska sa kanilang best-of-seven semifinals series para sa 2014-2015 PBA Philippine Cup.
“I don’t think we can establish these leads if we’re not capable of winning the game,” sabi ni Guiao sa kanyang Elasto Painters na tinalo ng Aces, 93-88, sa Game Five para kunin ang 3-2 bentahe sa kanilang serye.
“I have the highest confidence that we’re capable and we can find a way to win the series,” deklarasyon pa ni Guiao.
Nangako si Guiao na babawi ang Rain or Shine sa Alaska sa Game Six sa Linggo sa ganap na alas-5 ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kung muling mananalo ang Aces sa Elasto Painters ay tuluyan na nilang sasagupain ang naghihintay na San Miguel Beermen sa best-of-seven championship series.
“Sa next game, dapat ganun pa rin ‘yung killer instinct namin kung gusto namin mag-finals dahil last conference tinalo nila kami,” wika ni Alaska star guard Cyrus Baguio.
Winalis ng Beermen ang Talk ‘N Text Tropang Texters, 4-0, sa kanilang semifinals showdown. (RC)