MANILA, Philippines - Kinuha ng NLEX Road Warriors ang dating NBA All-Rookie First Team awardee na si Al Thornton bilang import para sa nalalapit na PBA Commissioner’s Cup.
Makakasama ng maaga ng Road Warriors si Thornton bago pa magsimula ang PBA second conference dahil isasalang nila ito sa lalahukang Dubai international tournament na nakatakda sa Jan. 14-25.
Nakansela ang paglahok ng Globalport sa naturang torneo.
Habang sinusulat ang balitang ito, ang Globalport at Purefoods Star ay nag-aagawan pa sa serbis-yo ni Derrick Caracter.
Nagpalakas din ang Kia at Blackwater sa pagkuha kina dating Puerto Rican national player PJ Ramos at dating ABL standout reinforcement Chris Charles, ayon sa pagkakasunod.
Kumpiyansa ang Road Warriors na magi-ging epektibo sa kanila si Thornton, isang legitimate NBA player na naglaro sa Los Angeles Clippers, Washington Wizards at Golden State Warriors.
“I’ve been watching his videos and reading his profiles, and he is quite a versatile player,” sabi ni NLEX coach Boyet Fernandez. “He can shoot from the outside, he can attack the basket and can post up as well. I heard he can play defense and he could really be a big plus factor for our team.”
Si Thornton, 2007 NBA draft No. 14 pick, ay naglalaro ng forward position kaya maaari pa rin samantalahin ng NLEX ang paggamit kay center Asi Taulava.
Sa kanyang averages na 12.7 points, 4.5 rebounds at 1.2 assists bilang rookie, ang Florida SU product ay nakapasok sa All-Rookie First Team kasama sina Kevin Durant, Al Horford, Luis Scola at Jeff Green.
Naging outstanding collegiate player din siya kung saan nakasama siya sa AP Third Team All-American.