MANILA, Philippines – Huling lumaban si 2012 Fighter of the Year awardee Nonito ‘The Fi–lipino Flash’ Donaire, Jr. sa Pilipinas noong 2009 nang talunin niya si Raul Martinez.
Muli itong mangyayari sa susunod na taon sa muling pag-akyat ni Donaire ng boxing ring matapos ang kanyang nalasap na sixth-round stoppage kay Nicholas Walters ng Jamaica sa kanilang featherweight championship fight noong Oktubre 18.
Sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na babalik ang tubong Talibon, Bohol sa super bantamweight division kung saan siya malakas.
Wala pang binabanggit si Arum na makakalaban ni Donaire sa susunod na taon.
“I think it’ll be sometime in April of May. It won’t be right away,” wika ni Arum sa magiging unang laban ni Donaire sa 2015 na gagawin sa Pilipinas.
Kasalukuyang dala ng 32-anyos na Filipino boxing star ang kanyang 33-3-0 win-loss-draw ring record kasama ang 21 knockouts.
Noong Mayo 31 ay nilabanan ni Donaire si Simpiwe Vetyeka ng South Africa para sa World Boxing Association (Super) featherweight title sa The Venetian sa Macau, China.
Ito ang unang laban ng tubong Talibon, Bohol matapos matalo kay Guillermo Rigondeaux ng Cuba noong Abril 13, 2013 para sa WBA Super at WBO super bantamweight belts at manalo kay Vic Darchinyan ng Armenia sa isang non-title fight para sa rematch ng kanilang 2007 bout.
Ito rin ang unang pagkakataon na lumaban si Donaire sa featherweight division makaraang magkampeon sa flyweight, super flyweight, bantamweight at super bantamweight class.