MANILA, Philippines – Humingi ng imbestigasyon si San Miguel Beermen Governor Robert Non kay PBA commissioner Atty. Chito Salud matapos ang mainit na pahayag ni Talk N’Text Tropang Texters coach Jong Uichico na pumapabor ang mga referees sa nasabing koponan.
Hindi makatarungan at iresponsable ang pahayag na ito ni Uichico, ayon kay Non, dahil naipanalo ng Beermen ang naunang dalawang laro sa kanilang tagisan sa semifinals dahil pinaghandaan ito ng koponan.
“To set the facts straight, any basketball fan knows that San Miguel won both Games One and Two fair and square. And who else to be blamed on TNT side, obviously it’s not the referees but their Coach (Uichico) who seems at a loss on how his team was beaten twice. But finding solace in blaming the referees is a lame excuse,” wika ni Non sa kanyang statement.
Sa panayam sa mga mamamahayag matapos ang Game Two na pinagwagian ng Beermen, 87-81, nai-bulalas ni Uichico na kumakabig ang mga referees sa Beermen at dinagdagan pa niya na naranasan niya ito noong kabilang pa siya sa nasabing koponan.
Nagulat si Non sa pahayag dahil tinuran niya na sa Game Two ay ang Tropang Texters ang siyang nakitaan ng pisikal na laro at si June Mar Fajardo ang isa sa pinagtuunan ng mapanakit ng fouls.
Idinagdag pa ni Non na ang Talk N’Text ay nanalo rin ng mga kampeonato laban sa mga koponang pag-aari ng San Miguel pero hindi nila sinabing natalo sila dahil sa mga pabor na tawag ng game officials.
“I am calling on Commissioner Salud to look into these unfounded accusations of Coach Uichico in the spirit of sportsmanship that is one of the cornerstones of any sport. In San Miguel, we take pride in doing our business in manner that is just, fair and transparent, more so in sports,” pagtatapos ng statement ni Non.
Inaasahang kikilos naman ang Commissioner’s Office para pagpaliwanagin si Uichico saka gagawaran ng anumang aksyon kung tama ba o mali ang pananalitang binitiwan ng coach.