MANILA, Philippines – Balak ng Philippine Sports Commission na bigyan ng intensibong pagsasanay ang mga atleta sa track and field sa hangaring humakot ng maraming gintong medalya sa 2015 SEA Games sa Singapore.
Sa panayam kay PSC Commissioner-in-charge Jolly Gomez, sinabi niya na nasa 15 atleta ang balak na ipadala ng Komisyon sa San Diego, California, USA sa Enero upang magsanay dito hanggang Mayo.
“PSC chairman Ricardo Garcia and I are working our best to try and bring 15 athletes to the US from January to May. They will not compete anymore in the National Open but there are many races in San Diego that they can compete it,” wika ni Gomez.
Ang aksyon na ito ay para mahigitan ng athletics team ang nakuhang anim na ginto, apat na pilak at tatlong tansong medalya sa Myanmar SEA Games.
Nakikita ni Gomez na kayang tumaas ang ginto medalya sa Singapore dahil maganda ang ipinakita ng anim na gold medalists bukod sa pagbabalik ng ilang dating sinasandalan at ang posibleng pagpasok ng mahuhusay na Fil-Ams.
Ang mga nanalo sa Myanmar ay sina Fil-Am Eric Cray (400m hurdles), Archand Bagsit (400m run), Jesson Ramil Cid (decathlon), Henry Dagmil (long jump), Christopher Ulboc (3,000m steeplechase) at ang 4x400 men’s relay team.
Magbabalik naman sa koponan ang dating SEA Games long jump queen na si Marestella Torres at middle distance runner na si Mervin Guarte, habang possible gold medalist din si EJ Obiena sa pole vault dahil ang kasalukuyang national record na 5.20m ay mas mataas sa gold medalist ng Myanmar SEA Games na nasa 5.15m.
“I also have a new Fil-Am in Caleb Stuart whose performance in the hammer throw and shot put is better than the SEA Games gold medal mark. Winning 12 gold medals out of 45 events is very good,” dagdag ni Gomez. (AT)