MANILA, Philippines - Dinurog ng College of St. Benilde ang Lyceum, 25-18, 25-17, 25-17 kahapon upang makopo ang ikaapat at huling final slot sa second round ng 90th NCAA women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City kahapon.
Nagtala sina team captain Jaenette Panaga at Jannine Navarro ng tig-12 hits upang ihatid ang Lady Blazers sa ikapitong panalo matapos ang 9-laro patungo sa susunod na round kung saan sigurado na ang top teams na Arellano University, Perpetual Help at San Sebastian.
Pinarisan din ng St. Benilde ang kanilang pagtatapos sa first round noong nakaraang season nang makapasok din sila sa susunod na round bago natalo sa tatlong laro para magtapos bilang fourth.
“We hope to build something from this and use it in the next round where we hope to improve our finish last year,” sabi ni St. Benilde coach Michael Carino.
Tinapos ng Lady Pirates ang kanilang kampanya sa 3-6 panalo-talo.
Sa men’s play, pormal na pumasok sa second round ang St. Benilde matapos ang 25-18, 25-19, 24-26, 25-17 panalo kontra sa Lyceum.
Humataw si skipper Johnvic de Guzman ng 22 points at nagdagdag sina Marjun Alingasa at Racmade Etrone ng tig-13 markers upang ihatid ang Blazers sa ikapitong sunod na panalo kontra sa 2-talo.