Sedurifa naasahan sa panalo ng Cafe France

MANILA, Philippines - Tumapos si Joseph Sedurifa taglay ang career-high na 32 puntos bukod pa sa 12 rebounds para tulungan ang Café France Bakers sa 88-74 panalo sa Bread Story-LPU Pirates sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Nagparamdam agad si Sedurifa sa unang yugto pa lamang nang gumawa ng 17 puntos para bigyan ang Bakers ng 30-16 kalamangan.

Nakabangon pa ang Pirates at naitabla ang laro sa 62-all matapos ang ikatlong yugto pero gumana uli si Sedurifa na tumipa ng limang free throws para ilayo uli ang Bakers sa 13, 81-68.

Natuwa si Bakers coach Edgar Macaraya sa ipinakita ni Sedurifa dahil mas kilala ang manlalaro bilang isang defensive player.

“Bonus itong opensang ibinigay niya sa amin,” wika ni Macaraya na nakuha ang ikaanim na panalo sa walong laro.

Sina Rodrique Ebondo at Maverick Ahanmisi ay nagsanib sa 25 puntos para sa Bakers na nakabangon agad mula sa 55-70 pagkatalo sa Hapee Fresh Fighters.

Si Joseph Gabayni ay mayroong 19 puntos para sa Pirates na bumaba sa 2-5 baraha.

Nakuha naman ng Tanduay Light Rhum Masters ang ikatlong sunod na panalo matapos igupo ang Racal Motors Alibaba, 70-57, sa isa pang laro.

Nasa kondisyon si Aljon Mariano sa kanyang 21 puntos at 12 dito ay ginawa sa unang yugto para sa 20-6 kalamangan.

“We have to continue to improve. Our next games will be important in our drive for the Top Four,” wika ni Chongson na naitabla ang karta sa 4-4.

 Ito ang ikalimang pagkatalo sa pitong laro ng Racal Motors upang malagay sa alanganin ang planong mapasama sa unang anim na koponan na aabante sa susunod na yugto ng kompetisyon. (AT)

Show comments