MANILA, Philippines – Hindi biro ang naramdamang ‘pressure’ ni Mary Joy Tabal para sa pagtatanggol niya ng korona sa MILO National Finals.
Nagkasugat-sugat man ang kanyang mga paa dahil sa ‘blisters’ ay pilit itong tiniis ng Cebuana para hindi maisuko ang titulong napanalunan noong nakaraang taon at ang pagkakataong mabigyan ng masaganang Pasko ang kanyang pamilya.
“Mabigat talaga ‘yung pressure sa akin since ako ‘yung defending champion at lahat ng mga kalaban ko talagang sa akin nakatutok at nagbabantay na magkamali ako sa race,” sabi ng 25-anyos na si Tabal.
Bakas sa kanyang mukha ang matinding sakit bunga ng pagkirot ng sugat sa kanyang mga paa habang binabagtas ang nasabing 42.195-kilometrong karera.
Dumudugo ang paang tinapos ni Tabal ang karera para magsumite ng bilis na dalawang oras, 51 minuto at 52 segundo at angkinin ang korona ng 38th MILO National Finals kahapon sa SM Mall of Asia Grounds sa Pasay City.
Napasakamay ni Tabal ang premyong P250,000 na ayon sa kanya ay ilalaan niya para sa paghahanda sa Araw ng Pasko at sa patuloy na pagsasanay sa mga sasalihang marathon.
“Siyempre po magandang Pasko ito para sa family ko,” ani Tabal.
Lingid sa kaalaman ng kanyang mga kalaban ay halos umatras si Tabal sa pagdedepensa ng kanyang korona ngayong taon.
“Two weeks before the supposedly na National Finals last December 7 talagang buhos na ako sa training,” ani Tabal. “Nu’ng ma-cancel ‘yung race parang nagbago ang kondisyon ng katawan ko.”
Sa men’s 42K, inagawan ni Rafael Poliquit ng korona si Buenavista nang magposte ng oras na dalawang oras, 32 minuto at 26 segundo para pitasin ang premyong P150,000.
Si Poliquit ay sinundan nina Buenavista (02:34:17) at Erinio Raquin (02:35:48).
“Hindi ko ine-expect na mananalo ako kasi nandiyan ‘yung idol kong si Vertek (Buenavista),” wika ni Poliquit.