Pasay ‘The Travel City’ Racing Festival sa linggo
MANILA, Philippines - Ipagdiriwang sa Linggo (Disyembre 14) ang kauna-unahang Pasay ‘The Travel City’Racing Festival na gagawin sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.
May 13 karera ang nakapaloob sa festival tampok ang dalawang Cup races na sinahugan ng tig-P300,000.00 kabuuang premyo.
Ang mga tampok na karera ay ang 1st Pasay “The Travel City” Cup at ang Pasay City Mayor’s Cup na kung saan ang mga mananalong kabayo ay magpapasok ng P180,000.00 unang gantimpala sa kanilang mga horse owners.
Layunin ng festival na ipakita sa lahat na ang Pasay City ay puwedeng maging pasyalan ng mga turista dahil maraming tourist attraction sa kanilang nasasakupan.
May 10 trophy races na nilagyan ng P150,000.00 premyo bukod pa sa isang special race ang kukumpleto sa programa ng karera sa araw na ito.
Inaasahang dadalo si Pasay City Mayor Antonino “Tony” Calixto para pangunahan ang paggawad ng tropeo sa mga mananalo sa dalawang major races na paglalabanan.
Ang mga sasaling horse owners, trainers at hinete ay puwede ring manalo ng anim na cell phones at isang tablet na ipara-raffle sa maghapong karera.
Pasisimulan ang dalawang araw na karera sa ikatlong racing club sa bansa sa Sabado sa pamamagitan ng paglarga ng PCSO 2YO Special Maiden Race na kung saan paglalabanan ng mga kalahok ang P600,000.00 unang gantimpala mula sa P1 milyong kabuuang premyo.
Susundan ang festival na ito ng mga Special Races sa Disyembre 23 at 24 para pasiglahin ang selebrasyon ng Kapaskuhan sa MetroTurf. (AT)
- Latest