MANILA, Philippines – Dahil inaasahang magkakaroon ng malawakang pagbaha na maglalagay sa peligro sa mga tagahanga, manlalaro at opisyales ng liga, nagdesisyon kahapon si PBA commissioner Chito Salud na kanselahin ang triple-header game sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Magtatapat dapat ang Bread Story-LPU Pirates at Cebuana Lhuillier Gems sa ganap na ika-12 ng tanghali, ang Hapee Fresh Fighters at Café France Bakers dakong alas-2 at Cagayan Valley Rising Suns kontra sa Racal Motors Alibaba dakong alas-4 ng hapon.
Pakay sana ng Fresh Fighters at Rising Suns ang kanilang ikaanim na sunod na panalo para patingkarin ang paghahabol sa mahalagang awtomatikong puwesto sa semifinals sa dalawang mangungunang koponan.
Nauna nang nagkansela ng laro dahil sa bagyo ang PBA noong Sabado na dapat ginawa sa Dipolog City sa hanay ng Purefoods at Barako Bull.
Sinundan ito ng desisyon ng organizers ng National Milo Marathon na huwag din ituloy ang karera noong Linggo sa Mall of Asia Grounds sa Pasay City.
Ang nakanselang PBA game ay gagawin ngayong ika-2 ng hapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City habang iaanunsyo pa sa susunod na mga araw kung kailan gagawin ang National Milo Marathon.
Ang D-League ay magbabalik sa Huwebes sa isa ring triple-header sa Ynares Sports Arena na katatampukan ng MP Hotel vs Tanduay Light sa ganap na ika-10 ng umaga, Hapee at Wangs Basketball dakong alas-12 ng tanghali at MJM M-Builders kontra sa Café France dakong alas-2 ng hapon. (AT)