MANILA, Philippines – Tatlong malalaking stakes races ang gagawin para lagyan ng kinang ang huling buwan sa taong 2014. Tampok na karera ay ang Presidential Gold Cup na gagawin sa Disyembre 14 sa MetroTurf sa Malvar, Batangas. Ang Pugad Lawin ang siyang nagdedepensang kampeon at tiyak na masusukat ang galing ng kabayo dahil sa inaasahang paglahok ng Hagdang Bato.
Ang dalawang kabayong ito ang naglaban noong nakaraang taon pero minalas na natisod ang Hagdang Bato nang tamaan ng gate ng aparato nang magbukas ito para madiskaril ang diskarte. Sa 2,000-metro gagawin ang karera at sinahugan ito ng P1 milyong gantimpala ng nagtataguyod na Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Katuwang ang Philippine Racing Commission (Philracom) sa nasabing karera at magbibigay ng karagdagang P1 milyon para sa mananalong kabayo.
Papasok ang Hagdang Bato galing sa impresibong panalo sa Eduardo Cojuangco Jr. Cup at ang naitalang 2:04.6 tiyempo ay mabagal lamang ng two-tenths segundo para pantayan ang record sa 2,000-metro na 2:04.4 na
pinagsasaluhan ng mga kabayong Stowaway Lass, Wild Orchid at Yes Pogi.
Sa susunod na linggo (Disyembre 21) sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite ilalarga ang Grand Derby sa 2,000-metro distansya rin. Nasa P1 milyon ang kabuuang premyo na pag-aagawan ng mga sasali na kung saan ang nomination ay gagawin sa Disyembre 9 habang ang official declaration ay sa Disyembre 15.
Sa Disyembre 28 ang huling stakes race ng taon at ito ay ang pahusayan ng mga edad dalawang taon gulang na mga kabayo para sa Philracom Juvenile Championship.
Ang distansya ay nasa 1,600-metro at papalo sa P2.5 milyon ang isinahog na premyo para matiyak na magiging mahigpitan ang labanan sa karerang gagawin sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ang nomination ng mga kalahok ay sa Disyembre 16 habang sa Disyembre22 ang declaration.
Halagang P1.5 milyon ang mapapasakamay ng tatanghaling kampeon sa karerang ito pero higit sa perang mapapanalunan ay ang makukuhang taguri bilang posibleng maging Triple Crown champion sa 2015. (AT)