Marquez inuurot si Mayweather

MANILA, Philippines – Hindi pa tapos magbigay ng kanyang opinyon si Juan Manuel Marquez. Matapos ihayag na gusto niyang maitakda ang laban nina Floyd Mayweather Jr. at Manny Pacquiao, iginiit naman ng Mexican boxing star kay Mayweather na gawin ang megabout.

Sinabi ni Marquez na si Mayweather na ang dapat magdesisyon para matuloy ang kanyang laban kay Pacquiao.

“People will blame Mayweather if the Pacquiao fight does not happen,” wika ni Marquez sa ESPN.

Nilabanan ni Marquez si Pacquiao ng apat na beses at minsan nang tinalo ni Mayweather sa loob ng 12 rounds noong 2009.

Ngunit ngayon ay kumakampi ang Mexican kay Pacquiao matapos talunin si Chris Algieri sa Macau noong Nobyembre ay hinamon si Mayweather para makipaglaban sa kanya.

“If Floyd wants to be known as the best fighter ever, he needs to demonstrate it by taking this fight and beating the man who was considered the pound for pound best for many years in Manny Pacquiao,” ani Marquez.

Matagal nang gustong labanan ni Pacquiao si Mayweather na sinasabing magiging pinakamayamang boxing match.

Nanatili namang tahimik si Mayweather kaugnay sa paghahamon sa kanya ni Pacquiao, ngunit patuloy ang pang-aasar niya sa kanyang mga social media accounts.

“Mayweather needs to stop posting videos and pictures on social media mocking Pacquiao and just take the fight. After the fight he can say whatever he wants but until then, the most important thing is accepting the fight,” sabi ni Marquez.

Kamakalawa ay hindi na nakatiis si Pacquiao kaya sumagot na rin siya sa pang-aasar ni Mayweather sa social media kaya nag-post na rin siya sa Instagram.

Show comments