UP Spikers nalo sa UST
MANILA, Philippines – Sa pagkakataong ito ay nakumpleto ng UP Lady Maroons ang magandang si-mula nang pabagsakin ang multi-titled UST Tigresses, 26-24, 23-25, 25-20, 25-17 sa 77th UAAP women’s volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ginulat ng Lady Maroons ang Tigresses nang magdomina sa attacks, 52-44 at kinapitalisa ng UP ang 32 errors ng UST para makuha ang unang panalo matapos ang dalawang pagkatalo.
Sina Nicole Anne Tiamzon at Angeli Pauline Araneta ay may 15 at 14 kills at tumapos taglay ang 19 at 14 hits.
May tatlong blocks pa si Tiamzon bukod sa siyam na digs para ipakita rin ang husay sa pagdedepensa.
Si Katherine Adrielle Bersola ay may 16 hits na sinangkapan ng tig-dalawang blocks at service aces.
Ang bagitong si Ennajie Laure ay may 19 hits, tampok ang 17 kills, habang ang team captain na si Pamela Lastimosa ay naghatid ng 13 hits para sa UST na natalo sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Nauna rito ay nanalo ang FEU Lady Tamaraws sa host UE Lady Warriors, 25-14, 25-13, 25-19 para manatili sa ikatlong puwesto sa 2-1 baraha.
Ibinuhos ni Toni Rose Basas ang lahat ng kanyang 12 puntos sa atake habang si Bernadette Pons ay may 11 para pamunuan ang Lady Tamaraws sa pagpapatikim sa UE ng kanilang ikatlong sunod na kabiguan.
Samantala, may 18 puntos si Mark Gil Alfafara habang tig-11 ang ginawa nina Romnick Rico at Jason Sarabia para tulungan ang UST Tigers sa kanilang ikatlong sunod na panalo sa pamamagitan ng 25-18, 25-11, 25-15 tagumpay sa UP Maroons sa men’s action.
Nakuha naman ng La Salle ang kanilang unang panalo matapos ang dalawang talo sa 25-19, 25-19, 25-21 win sa UE Warriors na bumaba sa 0-3 baraha. (AT)
- Latest