Freak of nature
Ipinakita lang ni boxing idol Manny Pacquiao na grabe talaga ang hilig niya sa basketball sa paglitaw niya sa Ynares Sports Center tatlong araw matapos ang kanyang laban kay Chris Algieri sa Macau noong Linggo.
Bumato ng ilang “tres” si Pacquiao sa warm-ups na agad na nagpasaya sa mga PBA fans. Ngunit sa bandang huli, minabuti ng boxing icon na manatili lang sa bench.
“Masakit pa yung katawan natin, so di natin pinilit. Sinubukan lang natin,” ani Pacquiao pagkatapos ng kanilang laro kontra Purefoods Star.
“Circus is on again,” angal ng mga basketball fana-tics na kontra sa pagpasok ng boxing superstar sa PBA.
Sa ganang akin, pabayaan na natin si Pacman kung talagang hilig niya ang basketball. Mas magandang dibersyon na ito kay Pacquiao kaysa kung anu-ano pang ibang bagay ang kanyang pasukin.
Siguradong alam ng Kia ang mga kaakibat na bagay sa pagkuha nila kay Pacman bilang playing coach. Darating ang panahon na mare-realize ni Pacman kung may kakayahan nga ba siyang makipagsabayan sa mga tunay na pro players.
‘Di ba’t hindi naman niya pinilit ang kanyang sarili sa laban nila sa Blackwater noong inaugural day ng PBA Season 40?
At lalong hindi siya nag-lakas-loob na makipagbanggaan sa mga matitikas na Purefoods guards na sina Mark Barroca, Justin Melton, PJ Simon at Alex Mallari.
Malamang na naghintay din ng pagkakataon si Pacman na pumasok sa laro. Ngunit minabuting manatili sa upuan dahil nakuha ng Kia Sorento na lumaban ng pukpukan ng hanggang tatlong quarters.
Sa pagpapakita pa lang ni Pacman sa playing venue ay ginulantang na niya ang marami.
“Amazing! He showed up here just three or four days after his fight. That’s incredible. Others would be laid down for months,” ani Purefoods coach Tim Cone.
“There are a few freaks of nature in the world. LeBron [James] is a freak of nature. Shaq [O’Neal] is a freak of nature. Without a doubt Manny Pacquiao is a freak of nature. The stuff he does is beyond the scope of what other people are able to do. He’s larger than life,” dagdag pa ni Cone.
Para kay Cone, ang magandang premyo sa laro nila sa gabing iyon ay ang makasalamuha si Pacman sa midcourt pagkatapos ng laro.
“I was thrilled to shake his hands,” ani Cone.
- Latest