MANILA, Philippines – Umarangkada si Jonathan Hernandez nang agawin niya ang pangunguna sa hanay ng mga mahuhusay na hinete sa pagtatapos ng unang 10 buwan sa 2014.
Ang dating nasa ikalawang puwesto ay lumundag tungo sa unang puwesto nang magkaroon na ng kabuuang kita na P3,586,484.21 matapos ang 506 takbo.
Lalabas si Hernandez bilang hineteng may pinakamaliit na bilang ng tinakbo sa unang apat na hinete sa talaan pero dahil ang mga panalong nakuha ng mga kabayong dinadala tulad ng Hagdang Bato, Malaya at Kanlaon ay sa malalaking karera, nakuha niya ang liderato taglay din ang nangungunang 151 panalo bukod sa 87 segundo, 74 tersero at 55 kuwarto puwestong pagtatapos.
Ang dating bandera na si Jessie Guce ay bumaba sa ikatlong puwesto at naungusan na ni Mark Alvarez na mayroong P3,422,817.78 sa 789 takbo. Umabot na sa 146 ang panalong nakuha ni Alvarez bukod pa sa 128 segundo, 92 tersero at 92 kuwarto puwestong pagtatapos.
Si Guce na may pinakamaraming bilang ng takbo sa 833 races ay may P3,388,564.16 napanalunan sa 128 panalo, 123 segundo, 117 tersero at 112 kuwarto puwestong pagtatapos.
Isa pang hinete na nasa P3 million kita na ay si Fernando Raquel Jr. sa P3,148,726.67 sa 613 sakay. May 145 panalo, 93 segundo, 71 tersero at 74 kuwarto puwesto ang karta ng nasabing hinete.
Si Pat Dilema ang nasa ikalimang puwesto bitbit ang P2,331,028.85 sa 495 takbo (111-80-67-59) habang ang kukumpleto sa unang sampung puwesto ay sina Kevin Abobo, Jan Alvin Guce, Jordan Cordova, Dominador Borbe Jr. at Jeff Zarate.
May P2,075,832.14 sa 480 takbo kita si Abobo (84-93-80-70), si JA Guce na hinete ng Triple Crown champion Kid Molave ay kumabig na ng P2,046,399.79 sa 270 takbo (53-59-36-40), si Cordova ay mayroong P1,666,784.56 kita sa 423 takbo (89-53-41-24), si Borbe ay may P1,524,145.40 kita sa 457 takbo (60-63-61-55) at si Zarate na mayroon lamang 257 sakay sa taon ay nanalo na ng P1,509,989.80 (68-53-39-36).
Nasa ika-11th puwesto si Leonardo Cuadra Jr. sa P1,339,787.57 sa 389 sakay (66-46-43-44) bago nadisgrasya at kasalukuyan pang nagpapagaling sa pinsalang tinamo nang mahulog sa kabayo sa karerang ginawa sa Metro Turf sa unang Linggo ng buwan ng Nobyembre. (AT)