2-sunod sa Ateneo, La Salle

MANILA, Philippines – Walang hirap na kinuha ng nagdedepensang kampeong Ateneo Lady Eagles at La Salle Lady Archers ang kanilang ikalawang dikit na panalo nang hiritan ng straight sets na panalo ang mga nakatunggali sa 77th UAAP women’s volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.

May 13 kills tungo sa 15 puntos si Alyssa Valdez habang si Michelle Morente  ay mayroong 12 hits at limang digs para pangunahan ang Lady Eagles sa 25-16, 25-18, 25-14 panalo sa Adamson Lady Falcons.

Ito ang ikalawang sunod na straight sets panalo ng Ateneo upang ipakita ang determinasyon na mapanatiling hawak ang titulong inagaw noong nakaraang taon sa karibal na La Salle.

“Wala kaming inilalagay sa isipan namin kungdi ang ibigay lamang ang 100 percent kada laro,” wika ni Morente na gumawa ng apat na blocks para ibigay sa Ateneo ang 13-2 kalamangan.

Dominado rin ng Lady Eagles ang attack points, 40-26 para pagningningin ang panalo.

Nauna rito ay ang mabagsik na 25-22, 25-12, 25-15 tagumpay ng Lady Archers sa National University Lady Bulldogs para saluhan ang Ateneo sa tuktok ng team standings tangan ang 2-0 baraha.

Kumamada si Victorana Galang ng 15 puntos, tampok ang limang aces, pero maganda rin ang ipinakita ng ibang kakampi na sina Kim Dy, Kim Fajardo, Mika Reyes at Cydthealee Demecillo na nagsanib sa 30 puntos.

Tulad sa unang laro, tanging si Jaja Santiago lamang ang nasa double-digits para sa Lady Bulldogs sa kanyang 10 hits upang saluhan ang Adamson sa huling puwesto sa 0-2 baraha.

Sa unang set pa lamang ay agad na inilabas ng Lady Spikers ang galing para makuha agad ang set at alisan ng kumpiyansa ang NU. (AT)

Show comments