MANILA, Philippines – Napagtagumpayan ni Jessie Aligaga ang maidepensa ang titulo habang napaganda ni Jean Claude Saclag ang medalyang napanalunan sa Asian Games nang manalo ang dalawang ito ng mga gintong medalya sa 7th Sanda World Cup sa Senayan, Jakarta, Indonesia.
Ang kompetisyon ay ginawa noong Nobyembre 18 hanggang 22 at ang imbitado ay ang mga nanalo lamang ng medalya sa 2013 World Wushu Championships sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Unang tinalo ni Aligaga si Song Buer ng China bago isinunod si Chandra Singh Mayanglamban ng India tu-ngo sa pagkopo ng gold medal sa 48-kg. division.
Mahalaga ang panalo ni Aligaga, isang SEA Games gold medalist noong 2011, kay Song dahil tinalo siya nito sa finals ng World Championships.
Ito ang ikalawang sunod na gold ni Aligaga sa World Cup at ikaapat mula noong 2008 na kung saan nanalo siya ng bronze bago naiangat sa pilak noong 2010 edisyon.
Si Saclag na silver medalist sa Asian Games sa Incheon, Korea ay nanaig kay Ban Van Trong ng Vietnam para pumasok sa finals bago hiniya si Khaled Hotak Mohamma ng Afghanistan sa 60-kg class.
Ang dalawang ginto na napanalunan ng Pilipinas ang pumantay sa nakuha noong 2012 edition sa China nang manalo sina Aligaga at Dembert Arcita (52kg) sa kompetisyon. (AT)